Tuesday, May 13, 2008

panahon na

(12 May 2008)

Nakadungaw ako sa bintana na naghihiwalay sa akin mula sa kalsadang pinuputakte ng malalaking patak ng ulan at mga dahong nangagsisislaglag mula sa puno ng mangga. Tanging ang ilaw na nangagaling sa poste ang nagbibigay ng liwanag sa daanan. Lahat malabo, dala na rin ng paglagaslas ng mga tila luhang tubig na iniiyak ng kalangitan sa isang gabing binalot ng kariliman. Habang nakamasid ang aking malalabong mata sa kabilang kalsada’y muling umalingawngaw sa aking gunita ang mga katagang nabitiwan ko kanina habang kinakaladkad naming an gang aming mga paa pauwi.


“Kung hindi pa ako magbabago ngayon, kailan pa...”


Hindi ko mapigilang hindi matawa at mapangiti sa mga katagang sa aking bibig mismo nagmula. Oo, marahil pabiro ko itong nasabi ngunit may kung anong kumurot sa puso ko nang mabitiwan ko ang mga salitang iyon. Alam ko kasing tama. Marahil isa ‘to sa mga lumabas sa bibig ko na hindi ko ikinakahiya o ikakahiya dahil sa loob loob ko, alam kong tama ang sinabi ko. Marami na kong panahon na ginugol sa pagpa-plano ng mga pagbabagong nais kong makamit sa buhay ko, lahat ng yon ay alam kong nasayang dahil hindi ko pinapanindigan ang mga sinasabi ko. Siguro’y mas maiiging imbis na plantsahin ang plano ay simulan na itong gawin.

No comments: